“Maraming Wika, Matatag na Bansa”
Noong una pa man, suliranin na kung anong pangkalahatang wika an gating gagamitin na makatutulong sa pag-unlad ng lahat. Sa laranagan ng edukasyon, higit itong pinagtalunan sapagkat batid nating lahat na higit na nakaaapekto sa intelektwal, at sosyal nating pag-unlad ang lahat ng ating natututunan sa paaralan.
Una nang ipinatupad ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo ngunit higit itong tinutulan ng mga rehiyong di-Tagalog. Nakadagdag pa upang ito’y di sang-ayunan ang mga naging resulta ng lahat ng mga pagsusulit ng mga estudyante sapagkat di lahat ng asignatura ay maaaring ituri sa wikang Filipino. Marami nag humina sa pag-aaral ng Ingles na naging dahilan sa pagbagsak sa mga bar examination ng nakararami at naging dahilan din upang maging panghuli ang Pilipinas sa agham at teknolohiya.
Dahil dito, noong 1974, sa bias ng Kautusang Pangkagawaran, ipinatupad ang Patakarang Edukasyong Bilinggwal. Ayon ditto, dalawang wikang panturo ang gagamitin sa pagtuturo sa iba’t ibang aralin.
Ang paglalagay sa wikang Filipino bilang kapantay ng Ingles sa pagtuturo ay umani ng maraming suliranin at pagtutol lalo na sa tertiary level sa iba’t ibang rehiyon kaya’t upang di magkaroon ng rehiyonalismo, tinanggap ang mga salita mula sa iba’t ibang rehiyon.
Masasabi nating sa pamamagitan nito, unti-unting nawala ang mga naglabasang suliranin sa edukasyon at mas napagtuunan ang paglinang dito upang unti-unting tumaas ang antas ng edukasyon sa bansa. Sapagkat tanggap na ang iba’t ibang wika sa lipunang ating ginagalawan, hindi na mahirap para sa may ibang pananalita ang mapaunlad ang kanilang mga sarili sapagkat di na nila kailangan pang intindihin ang ibang salita para lamang sila’y matuto.
Samantala, ang paggamit ng wikang Ingles bilang medium sa pagtuturo sa mga paaralan ay isa ring paraan upang mahasa an gating abilidad sa pakikipagtalastasan. Hindi lingid sa ating kaalaman na kung marunong tayong mag- Ingles ay mas malaki ang oportunidad nating makahanap ng matatag at marangal na trabaho sa loob at labas ng bansa. Ito ang wikang batid nating alam at kayang intindihin sa buong mundo.
Ang pagkakaroon ng maraming wika ay maaaring maging isang hamon para sa ating lahat. Sa halip na ituring na isang balakid, ito’y isang pagsubok upang tayo’y mas maging matatag. Ito’y isang puntos para sa atin kung marami tayong alam na salita sapagkat saan man tayo dalhin na mga napili nating propesyon, malaki ang tiwala natin sa ating sarili na kaya nating makipagsabayan sa iba.
Ating isipin na isang biyaya ang pagkakaroon ng maraming wika sapagkat magkakaiba man ng salita ay nananatili pa rin ang ating pagkakaisa. At ipinahihiwatig lamang nito na bago pa magkaroon ng ibang wika buhat sa mga banyagang nanakop sa atin, mayroon na matatag na panitikan at pamumuhay ang ating mga ninuno magkakaiba man ng pananalita.
Itanim natin sa ating isipan na wala sa pagkakaiba-iba ng wika ng higit na ikatatatag ng bansa kundi sa adhikain ng bawat Pilipino para sa ating bayan. Aanhin natin ang pagkakaroon ng isang wika kung ang ating mga layunin naman ay magkakasalungat? Mas makatutulong tayo sa pag-unlad at pagtatag ng bansa kahit na ano pang wika ang ating gamitin basta tayo’y nagkakaisa sa magandang adhikain para sa bansa.
No comments:
Post a Comment