Tuesday, August 28, 2007

3

MARAMING WIKA : MATATAG NA BANSA

PILIPINAS…….

Isang maliit na bansa ngunit binubuo ng pitumpung libo, isandaan at pitong pulo. Isang bansa na may napakaraming diyalekto ngunit sa napakaraming pagkakataon napatunayan natin sa buong mundo na bagamat ganito ang sitwasyon ng bansang Pilipinas, nakukuha ng mga Pilipino na magkaisa. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ang bansang Pilipinas ay nakaukit sa listahan ng kasaysayan ng mundo at kilala ang lahing Pilipino sa pagiging matapang at lahing hindi sumusuko sa kahit anumang laban.

Isa sa mga klasikal na halimbawa ng pangyayari sa kasaysayan ay ang pagkakapit-bisig ng mga Pilipino upang pabagsakin ang Rehimeng Marcos. Likas na sa ating kultura ang pagmamahal sa ating kalayaan at ipagtanggol ang bansang sinilangan. Kaya naman ng ibaba ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ang batas militar na nasundan ng pagkamatay ni Ninoy Aquino, agad nag-aklas ang mga Pilipino sa EDSA. Kinalimutan ang pagkakaiba-iba ng relihiyon, diyalekto at paniniwala, nagtipon-tipon bilang isang malakas na grupo para makamit ang isang hangarin, ang mithiing ibalik ang kalayaang nawala at muling buhayin ang kaunlaran ng ating bansa. Hanggang sa kasalukuyan ay nauulit pa rin ang mga pangyayari sa kasaysayan na nagpapakita na hindi pa rin nawawala ang pagmamahal sa ating sariling lahi… wika… at bansa…

Ang Pilipino ay kilala sa larangan ng bayanihan at pagtutulungan sa oras ng kalamidad o kagipitan. Ang Pilipino kahit nasaan man sa mundo ay handang tumulong sa kapwa Pilipino. Makikita na sa bawat pagragasa ng ibat ibang klaseng kalamidad sa ating bansa tulad ng bagyo, lindol at maging pagsabog ng bulkan, ang ating mga kababayan ay handing tumulong at nagkakaisa sa pagbabahagi ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, damit at pera. Karamihan sa mga nagbibigay ng donasyon ay galing sa ating mga kababayan na nagtatrabaho sa ibang bansa. Isa lamang na patunay na kahit karagatan ang pagitan nating mga Pilipino, nagagawa nating magtulungan tungo sa kabutihan at kaunlaran ng bawat isa.

PILIPINO…… bagamat laging kinukutya ng ibang lahi, patuloy na bumabangon sa ibat ibang hamon. Taas noong hinaharap ang buhay at patuloy na lumalaban. Isang lahing huwaran ng katapangan at katatagan, may paninindigan at lahing angat sa iba. Bagamat marami tayong wika, abot-kamay natin ang maunlad at matatag na bansa.

No comments: